Driver dedo sa tandem

MANILA, Philippines - Patay ang isang tricycle driver nang barilin ng isa sa dalawang hindi pa kilalang suspect na lulan ng isang motorsiklo sa tapat ng isang palengke, kamakalawa ng hapon sa  Malabon City.

Agad na nasawi dahil sa tama ng bala sa ulo at katawan si Noel Garcia, 53, ng Phase 3, Dagat-Dagatan, Caloocan.

Sa ulat ng pulisya, kabababa lamang sa pinapasadang tricycle ang biktima sa tapat ng Langaray People’s Market nang lapitan ng isa sa mga suspect at pagbabarilin ng malapitan. Mabilis na sumakay sa naghihintay na motorsiklo na minamaneho ng kanyang kasama ang gunman at saka tumakas.

Samantala, kritikal naman ang isa pang driver nang pagbabarillin sa lungsod ng Navotas. Nabatid na namamasada ng tricycle si Jonathan De Jesus, 27, sa may Phase 1, North Bay Boulevard South, dakong alas-11 kamakalawa ng gabi nang harangin at paputukan ng suspect na si Rommel­ Ferrare­, 33, ng Baltazar St., Caloocan City.

Sa pagmamadaling makatakas, nalaglag ng suspect ang isang identification card sanhi upang makilala ito ng mga rumespondeng pulis. Kasalukuyang pinaghahanap na nga­yon si Ferrare na nahaharap sa kasong murder.

Show comments