MANILA, Philippines - Isang dating alkalde sa isang bayan sa lalawigan ng Western Samar ang nasawi makaraang pagbabarilin ng dalawang hindi pa kilalang suspect habang nasa loob ng kanyang bahay sa Mandaluyong City, kamakalawa ng gabi.
Dead on the spot si Constancio Pacanan Jr. 51, dating alkalde ng bayan ng Motiong Western Samar at pansamantalang naninirahan sa # 30 Carrot St, Blk - 38 Welfareville Compound, Brgy. Addition Hills, Mandaluyong City. Nagtamo ito ng mga tama ng bala sa mukha at katawan.
Isang follow-up operation naman ang isinasagawa ngayon ng pulisya upang matukoy ang dalawang suspect na mabilis na tumakas matapos ang pamamaslang.
Ayon sa report ng Mandaluyong police, naganap ang pamamaril sa biktima dakong alas-11 ng gabi sa loob mismo ng bahay nito.
Kasalukuyang nagpapahinga ang biktima sa loob ng kanyang tahanan nang pasukin ng mga suspect at walang sabi-sabing pinagbabaril ito at nang matiyak na patay na ito ay mabilis silang tumakas sakay ng isang motorsiklo na hindi nakuha ang plaka.
Ang biktima ay nagsilbing Mayor ng bayan ng Motiong, Samar noong taong 2004 hanggang 2007.
Nagsasagawa ngayon ng malalimang imbestigasyon ang mga tauhan ng Mandaluyong police para mabatid kung may kinalaman sa pulitika ang ginawang pamamaril at pagpatay sa biktima dahil napabalitang muli itong kakandidato sa kanilang lugar.