'Cleanest zone' ilulunsad sa Maynila

Manila, Philippines -  Upang matiyak na mapapanatili ng mga Manilenyo na malinis at maayos ang mga barangay, isang healthy competition ang ilulunsad ni Manila Mayor Alfredo Lim at ng Manila Barangay Bureau (MBB).

Ayon kay MBB director Atty. Analyn Buan, sa halip na cleanest barangay, inirekomenda at inaprubahan ni Lim ang ‘cleanest zone’ dahil mas malaki ang sakop nito kumpara sa gagawing bawat barangay lamang. Ang ‘cleanest barangay’ ay proyekto ng MMDA.

Aniya, sa cleanest zone, 10 hanggang 12 barangay ang maaaring magtulung -tulong upang mapanatiling malinis ang kanilang sona at madaling makita ng komite na mag e-evaluate at hahawak nito.

Ipinaliwanag ni Buan na dito makikita ang koordinasyon at tulungan ng mga barangay chairman gayundin ng mga residente na kanilang nasasakupan.

Samantala, tiniyak naman ng alkalde na patuloy ang pagsasaayos ng mga kalsada sa lungsod bunsod na rin ng mga buwis na ibinabayad ng mga Manilenyo.

Sa pagpapasinaya ng mga kalsada ng Dominga St. sa Vito Cruz at San Pedro St. sa Balut, Tondo, sinabi ni Lim na ang pagsasaayos ng mga kalsada ay para sa maayos at mabilis na daloy ng mga sasakyan.

Show comments