13-anyos saksi sa krimen, minartilyo sa ulo

MANILA, Philippines - Wasak ang bungo at halos lumitaw na ang utak at ngayon ay comatose, ang isang 13-anyos na batang babae nang martilyuhin sa ulo ng kapwa tenant matapos aksidenteng masak­si­han nito ang tangkang pagpatay ng suspect sa isa pang matanda na kanilang kapitbahay sa Ermita, Maynila, kamakailan.

Kinilala ni Dr. Evangeline Morales, director ng Ospital ng Maynila (OSMA) ang biktima na si Alexandra Mendoza, grade 5 pupil sa Aurora­ Quezon Ele­mentary School at nanunuluyan sa ikaapat na pa­lapag ng abandonang gusali sa L. Guerrero St., Ermita.

Personal na iniutos ni Manila Mayor Alfredo S. Lim ang masusing pagsisiyasat sa insi­dente at ang pag­tugis sa suspect nang makaharap niya ang kaawa-awang kalagayan ng biktima sa Room 306 ward ng OSMA.

Sa salaysay ng ina ng biktima na si Cristina Mendoza, 33, simula noong madaling-araw ng Miyerkules na doon naganap ang insidente ay hindi na umano gu­mising ang biktima, bagama’t may pagka­kataon na bahagya itong gu­magalaw habang naka-dextrose at oxygen.

Ayon sa ginang, da­kong alas-2:30 ng madaling-araw nang ma­ganap ang insi­dente na noon ay nakatoka si Alexandra sa pag-igib ng tubig. Dito umano nasak­sihan ng kanyang anak na mina­martilyo sa ulo ang isa nilang kapitbahay na matandang lalaki na si Mang Pancho, nasa 60-65-anyos ng suspect na kinilala lamang sa alyas na Boloy at Gilbert na kanila ring kapitbahay sa abandonang gusali.

Si Mang Pancho ay kasalukuyan pa ring nasa malubhang kalagayan sa PGH.

Napansin umano ng suspect na nakita ni Alexan­dra ang tangkang pagpaslang kung kaya ito naman ang hinabol ng salarin at nang abutan­ ay siya naman ang minar­tilyo sa ulo. Matapos ito ay mabilis na tumakas ang suspect.

Hanggang sa nga­yon ay patuloy pa rin ang isinasagawang masu­sing pagsisiyasat sa kaso at pagtugis sa suspect.

Show comments