Sa killer highway na naman Lolo lasog sa hit-and-run

Manila, Philippines -  Lasog ang katawan ng isang lolo makaraang mabiktima ng hit-and-run ng isang rumaragasang bus sa kahabaan ng Commonwealth Avenue na tinaguriang ‘killer highway’ sa lungsod Quezon, kamakalawa.

Nakilala ang biktima na si Mario Villegas, 62, residente ng Blk. 15 Lot 2 Cattleya St. CPH 2 Area D Camarin, Caloocan City.

Ayon sa ulat, natukoy naman ang pampasaherong bus (TXR-765) na nakabundol sa biktima at ngayon ay iniimbestigahan na ng kanilang tanggapan.

Nangyari ang insidente sa may kahabaan ng Commonwealth Avenue partikular na sa kanto ng Regalado Avenue sa lungsod ganap na alas-7:15 ng gabi.

Diumano, tumatawid sa nasabing lugar ang biktima nang biglang sumulpot ang isang pampasaherong bus at mabundol ito.

Sa kabila nito, hindi man lamang huminto ang driver ng bus at pinaharurot pa nito ang minamanehong sasakyan patungo sa direksyon ng Fairview. Patuloy ang imbestigasyon ng awtoridad sa nasabing insidente.

Show comments