MANILA, Philippines - Kritikal ang kondisyon nang isugod sa Pasay City General Hospital ang isang lalaki makaraang mabaril sa katawan ng isang pulis-Maynila sa gitna ng kanilang pagtatalo, kahapon ng umaga.
Nagtamo ng isang tama ng bala ng kalibre .45 na baril sa tagiliran ng katawan ang isang Jerome Ragot, residente ng Balagbag, Merville, Pasay habang nagpa-confine naman sa San Juan de Dios Hospital ang 34-anyos na si PO3 Clayd Villaruel, nakatalaga sa Manila Police District Station 2 makaraang magtamo umano ng sugat sa daliri.
Sa inisyal na imbestigasyon ng Pasay City Police, naganap ang insidente dakong alas-5 ng umaga sa tapat ng isang convenience store sa may West Service Road, Merville, Brgy. 20, sa naturang lungsod. Pumasok sa tindahan at bumili ng sigarilyo ang pulis kung saan inabutan si Ragot na umiinom umano ng alak sa loob at sinita ito. Dito lumabas ang pulis habang sinundan naman umano ito ng biktima, ayon sa isang security guard. Nagkaroon na ng pagtatalo hanggang sa umalingawngaw ng putok ng baril.
Humingi ng saklolo ang pulis sa security guard ng katabing gasolinahan at isinugod sa pagamutan ang biktima. Sa inisyal na salaysay ni Villaruel, nagtamo siya ng sugat sa kamay makaraang tangkain umano ni Ragot na agawan siya ng baril.