MANILA, Philippines - Naaagnas na nang matagpuang lumulutang sa dagat ang bangkay ng isang pulis-Maynila na unang iniulat na nawawala na tadtad ng tama ng bala ng baril sa Navotas City kamakalawa.
Nakilala ang biktima na si SPO2 Teofilo Panlilio, 53, ng Varona St., Tondo, Manila.
Sa pagsisiyasat ng Navotas City Police, dakong alas-3:30 ng hapon nang makita ng mangingisdang si Rolando Roque ang bangkay ng biktima na lumulutang sa dagat sakop ng Sitio Pulo, Brgy. Tanza ng nabanggit na lungsod.
Dinala sa pampang ang biktima at ipinaalam sa himpilan ng Navotas City Police ang insidente at nang respondehan ay nadiskubreng may mga tama ng bala sa ulo at katawan ang nasabing biktima.
Nabatid na ilang araw nang nawawala ang biktima na huling nakitang kasama ang isang babae na kinilalang si Bangenge na asset umano ng pulis.
Una nang nakita noong Linggo ang bangkay ni Bangenge sa dagat na sakop din ng Navotas. Lumalabas din na isa si Panlilio sa mga pulis na nakipagbarilan sa Isla Puting Bato sa Tondo, Manila na ikinasawi ng apat na hinihinalang sangkot sa bentahan ng shabu. Nagsasagawa na nang malalimang imbestigasyon ang mga pulis hinggil sa nasabing insidente.