Kelot inutas ng mag-utol

MANILA, Philippines - Halos mapugot ang ulo ng isang lalaki makaraang pagtatagain sa leeg ng isa sa magkapatid na nagtulong sa krimen sa loob ng Bicutan Public Market sa Parañaque City, kamakalawa ng mada­ling-araw.

Kahapon, sinampahan na ng kasong murder ng Para­ñaque City Police ang magkapatid na sina Rennier Pablico, 26, ng Cyrus St., Annex­ 33 Better Living Subd., Brgy. Don Bosco at nakababatang si Joel, 22, residente naman ng Manggahan Site, Merville Subd., ng naturang lungsod.

Nakilala ang nasawing biktima na si Gary Gonzaga, 28, ng Osorio Compound, Sitio De Asis, Brgy. San Martin de Porres, ng naturang lungsod.

Sa ulat ng pulisya, isinalaysay ng saksing si Pedro Basilonia, 29, na magkasama sila ng biktima na naglalakad sa loob ng naturang pamilihan dakong alas-12:45 ng mada­ling-araw nang mapansin na sinusundan sila ng magka­patid na Pablico kung saan isa ay may bitbit na itak.

Nang kumprontahin nila, bigla na lamang umanong hina­lihaw ng taga ng isa sa suspek si Gonzaga sanhi ng agad nitong pagkasawi habang nagawang makatakbo papalayo ni Basilonia.

Nadakip naman ng mga nagrespondeng pulis ang magkapatid makaraan ang pamamaslang. Napag-alaman sa imbestigasyon na bago nangyari ang pamamaslang, nakaaway umano ng nasawi ang magkapatid sa PNR railway sa hindi pa malamang dahilan.

Show comments