Bangkay ng babaeng police asset natagpuan na

MANILA, Philippines - Natagpuan na ng mga awtoridad ang bangkay ng babaeng informant ni SPO2 Teofilo Panlilio na kasama nitong nawawala simula pa noong Sabado at napaulat na pinatay sa Isla Puting Bato sa Tondo, Maynila.

Ayon kay MPD homicide chief, Sr. Insp. Joey de Ocampo, ang bangkay ni alyas Ba­ngenge ay nakita sa baybayin ng Navotas sakop ng Davila St., Brgy. Davila, Navotas dakong alas-10:20 kamakalawa ng gabi. May tama ito ng bala ng baril sa ulo.

Nabatid na natagpuan ng isang Nestor Morales na pedicab driver ang bangkay ni Bangenge na inilarawang pango ang ilong, kayumanggi at pandak.

Kinumpirma naman ni De Ocampo na katawan ni Bange­nge ang na­sabing bangkay, ayon na rin sa posi­tibong pagtukoy ng isang pulis na nakakita sa biktima na kasama ni Panlilio sa MPD-District Headquarter’s Security Unit (MPD-DHSU ).

Samantala, nakakalap din ng impormasyon ang homi­cide chief na matapos na patayin ay hinubaran ng uniporme ng mga salarin si Panlilio saka ibinaon ang bangkay sa isang burak na malapit din sa Isla Puting Bato.

Tinutugis na rin ng pulisya ang apat na suspect na na­kitang bumaril at pumatay kay Panlilio.

Sa ngayon ay hindi pa ma­ibunyag ng pulisya ang pagkakakilanlan ng mga salarin sa pangamba na makapagtago ang mga ito.

Show comments