Lalaking umakyat sa billboard, lasog nang mahulog

MANILA, Philippines - Isang hindi nakikilalang lalaki ang nasawi makaraang madulas habang na­ka­tayo sa tinatayang 100-talam­pa­kang taas ng billboard sa lungsod Quezon kamaka­lawa.

Ayon sa ulat ng Quezon City Police Station 1, ang biktima ay nasa pagitan ng edad 30-45, may taas na 5 talam­pakan, kayumanggi at maikli ang buhok.

Siya ay nalagutan ng hi­ninga sa East Avenue Me­dical Center matapos ang halos limang oras na gamutan makaraang mahulog sa itaas ng isang billboard sa may Cloverleaf market sa Edsa-Ba­lintawak, Brgy. Ba­lingasa.

Nangyari ang insidente ganap na alas-11 ng gabi makaraang makita ang biktima na nakatayo sa tuktok ng billboard sa nasabing lugar.

Ayon sa ulat, tinangka pang iligtas ng ilang rescuer ang biktima, pero nagpa­tuloy ito sa pag-akyat hanggang sa tuktok.

Nagpasya la­mang na bumaba ang biktima nang bumuhos ang ulan. Pero ha­bang pababa ay nadulas ito, hanggang sa tuluyang bu­magsak.

Bago ito, hiniling pa uma­no ng biktima na gusto niyang makita ang kanyang misis, da­lawang anak at isang alyas Rolan na kanyang ka­pitbahay.  

Show comments