MANILA, Philippines - Hinihinalang biktima ng salvage ang isang hindi nakikilalang babae na natagpuan ang bangkay na palutang-lutang sa karagatan na nasasakupan ng Navotas City kamakalawa ng gabi. Habang sinusulat ang balitang ito ay inaalam pa ng mga kagawad ng Navotas City Police ang pagkakakilanlan ng biktima.
Base sa imbestigasyon ni P02 Philip Edgar Valera ng Station Investigation Division (SID) ng Navotas City Police, dakong alas-10:20 ng gabi nang matagpuan ng ilang residente ang bangkay ng babae, na lulutang-lutang sa karagatan ng Davila St., Brgy. Navotas West ng nasabing lungsod.
Dahilan upang kaagad ipaalam ng mga residente sa pulisya ang insidente at lumalabas sa pagsisiyasat ng mga rumespondeng SOCO na may tama ng bala ng baril sa likod ang biktima.
Ang bangkay ng babae ay dinala na sa Marcelo Funeral homes. Nabatid pa sa pulisya, posibleng sa ibang lugar pinatay ang biktima at itinapon ang bangkay nito sa naturang lugar upang iligaw ang mga pulis sa kanilang imbestigasyon.