MANILA, Philippines - Nawawala at hinihinalang ipinapatay ang isang pulis-Maynila nang magtungo sa Isla Puting Bato noong nakalipas na Sabado, batay sa reklamong idinulog ng kaniyang maybahay sa Manila Police District-General Assignment Section.
Kahapon ay personal na dumulog sa MPD-GAS si Adelaida Albano-Panlilio, 57, ng F. Varona St., Tondo at upang mahanap ang nawawalang si SP02 Teofilo Panlilio, 54, nakatalaga sa MPD-District Headquarters Security Unit (MPD- DHSU).
Sa salaysay ni Gng. Panlilio, nagpaalam ang mister niya na may operasyon laban sa iligal na droga sa Isla Puting Bato, sa Tondo at hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa nakikita.
Naalarma lamang umano ang ginang nang may tumawag sa kaniya hinggil sa impormasyong ang mister niya at kasamang babae ay pinagtulungang saksakin at itinali sa malaking bato at itinapon sa laot.
Nagsagawa naman ng beripikasyon ang tanggapang MPD-Homicide Section kung may katotohanan ang nasabing reklamo matapos makatanggap din umano ng tawag na pinatay nga si Panlilio sa pamamagitan ng pagbaril sa ulo at ang babaeng kasama nito, isinakay sa bangka at dinala sa laot at doon itinapon ang mga bangkay.
Binanggit umano ng caller na nakilala ang pulis dahil nakasuot pa ito ng uniporme na may name plate nang isagawa ang pagpatay.
“Hangga’t wala pa kaming nakukuhang bangkay ni Panlilio, di namin masasabing totoo na sinalvage siya,” ani senior Insp. Joey de Ocampo, hepe ng MPD-Homicide Section.