Aso, bisikleta bubuwisan sa Pasay

MANILA, Philippines - Napilitang pansamantalang iatras ng pamahalaang lungsod ng Pasay ang paniningil ng buwis sa mga alagang aso at mga gumagamit ng bisikleta na ibinase sa isang ordinansa makaraang tuligsain ng mga residente sa iba’t ibang social networks at blogs sa internet.

Pag-aaralan umano muna ang ordinansa bago ipatupad dahil sa mga tuligsa na natanggap sa mga galit na internet users.

“To all the owners of dogs and bicycles in Pasay City. Please be informed that pursuant to the provisions of Sections 82 and 83, Chapter 27 of City Ordinance No. 1614, Series of 1999 (Pasay City Revenue Code), you are hereby required to pay an annual tax on domesticated dog found in your household in the amount of 20 pesos and bicycle powered by the feet for private use within the city of Pasay in the amount of 30 pesos,” nakasaad sa ordinansa na nilagdaan ni City Treasurer Manuel Leycano, Jr.

Ayon sa pamahalaang lungsod, gagamitin umano sana ang makukuhang pondo buhat sa masisingil na mga buwis sa pag-iiniksyon sa mga alagang aso kontra rabies sa buong lungsod.

“This is Pasay City. They tax people with bikes, they tax people with dogs. How could they have ended up with such weird taxation rules? Tinanong ba nila ang mga taga-Pasay?,” ayon sa isang komento naman ng isang blogger sa Kwentongkengkay.com.

Pinuna pa ng mga bloggers kung bakit bubuwisan ang mga nagbibisikleta gayong wala namang maayos na programa ang pamahalaang lungsod sa mga bikers tulad ng paglalagay ng mga bike lanes habang nararapat na libre umano ang vaccination sa mga aso na dapat nakapaloob sa pondo nito habang wala namang “animal shelter” ang lungsod. Kuwestionable rin umano ang mga nagbibisikleta na taga-ibang lungsod at dumaraan lamang ng Pasay na maaaring hulihin at pagmultahin ng Pasay City.

Hindi rin umano nakapaskil ang implementasyon ng ordinansa sa website ng Pasay City Government kaya hindi masasabing naipaalam ito sa publiko bago ipatupad ng Treasurer’s Office.

Habang ang ibang lungsod ay aktibo sa pagpo-promote ng pagbibisikleta upang mapalakas ang kalusugan ng kanilang taumbayan at mabawasan ang polusyon, baligtad umano ang ginagawa ng Pasay City na mistulang pinagbabawalan ang tao.

Show comments