MANILA, Philippines - Tinukoy ng isang opisyal ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga lungsod ng Maynila at Pasay na siyang may pinakamaraming basurang nahakot sa kanilang pumping stations.
Sinabi ni MMDA Flood Control Division Director Engr. Baltazar Melgar na pinakamaraming nahakot na mga basura sa dalawang lungsod lalo na sa mga lugar na may maraming nakatirang iskuwater.
“Kung saan may pinakamaraming informal settlers, doon ang may pinakamaraming basura,” ayon kay Melgar.
Kasalukuyang may 51 pumping stations ang MMDA sa mga bahaing lugar sa Metro Manila habang may panukala na maglagay ng isa pa sa may Brgy. Salapan sa Balong Bato, San Juan City habang ibang proyekto pa na popondohan ng mga dayuhan ang nakatakdang ilunsad sa Valenzuela City at sa katabing bayan ng Obando, Bulacan.