Dalaga kritikal sa boga ng parak

MANILA, Philippines - Nasa kritikal na kondisyon ang isang 21-anyos na dalaga matapos barilin ng isang pulis sa Caloocan City kamakalawa ng gabi.

Kasalukuyang ginagamot sa Manila Central University (MCU) Hospital ang biktimang si Mary Claire Aparece, ng Gen. Mascardo St., Brgy. 144, Bagong Barrio ng nasabing lungsod.

Nagsasagawa naman ng follow-up ope­ration ang mga tauhan ng Caloocan City Police upang maaresto ang suspek na si PO3 Jessie Quinto.

Naganap ang insidente dakong alas-8:35 ng gabi sa Tirona St., ng nasabing barangay, habang naglalakad ang biktima ka­sama ang kapatid na si Marlon nang bigla na lamang sumulpot ang suspek na nakasuot ng bonnet at walang sabi-sabing binaril ang dalaga.

Matapos ito ay mabilis na tumakas ang suspek sa hindi matukoy na di­reksiyon habang dinala naman ang biktima sa nasabing pagamutan ng kanyang mga kaanak.

Blangko pa ang pulisya sa motibo ng pamamaril sa biktima habang kasalukuyan pa itong iniimbestigahan.

Show comments