MANILA, Philippines - Patay ang isang rider matapos sumalpok ang sinasakyang motorsiklo sa isang nakaparadang tow truck sa kasagsagan ng buhos ng ulan sa lungsod Quezon, kahapon ng madaling-araw.
Dead-on-arrival sa East Avenue Medical Center ang biktimang si Rio Gonzales, 29, binata ng San Mateo, Rizal.
Ayon sa ulat, ang biktima ay nasawi matapos na sumalpok ang minamanehong motorsiklo sa nakaparadang Mitsubishi Fuso fighter dropside (LCL-847) na minamaneho ng isang Edwin dela Cruz, 41, residente sa Agham Road sa lungsod.
Nangyari ang insidente sa may harap ng Loyola Memorial chapel na matatagpuan sa north bound lane ng Luzon Avenue, Brgy. Old Balara ganap na alas-12:50 ng madaling-araw.
Bago ito, sinasabing nasiraan ang tow truck sa naturang lugar at nagpasyang pumarada rito para kumpunihin ang nasirang sasakyan.
Dahil madilim, bumubuhos ang ulan at walang gamit na warning sign ang nasabing truck, hindi umano ito napansin ng biktima habang sakay ng kanyang Kawasaki Rossel (00-6989-OO) at biglang bumangga siya rito.
Sa lakas ng impact, tumilapon ang katawan ng biktima kasama ang motorsiklo sa kalsada sanhi para magtamo ito ng matinding pinsala sa katawan at ulo na naging dahilan ng kanyang kamatayan.
Sa kasalukuyan, patuloy ang imbestigasyon ng TS5 sa nasabing insidente upang mabatid kung may pananagutan ang driver ng nasabing truck sa insidente.