MANILA, Philippines - Umabot sa P874 milyon ang halaga ng drogang nasamsam ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa isang abandonadong gusali na ginawang laboratory ng shabu sa Parañaque City matapos ang ilang araw na ginawang pagpo-proseso nito simula ng salakayin nitong June 6, 2012.
Ayon kay Assistant Secretary Carlos F. Gadapan, OIC ng PDEA, ang mga narekober ay kinabibilangan ng 372 kilograms ng ephedrine; 100 litro ng liquid methamphetamine hydrochloride (shabu); 8,419 kilograms ng solid at 39, 884 litro ng liquid chemicals; kabilang ang mga kasangkapan at iba pang materiales na ginagamit sa paggawa ng shabu mula sa laboratory na matatagpuan sa Km. 19, East Service Road, San Martin De Porres, Parañaque City na nadiskubre nitong June 6, 2012.
Nilinaw ni Gadapan na ang kumpletong pagpo-proseso ng nasabing laboratory lamang, tulad ng pagkilala at paglalagay ng tatak ng mga piraso ng ebidensya, pagkuha ng samples, pagsasagawa ng field tests, at pagkuha ng inventory ay tumatagal ng apat na araw.
Giit pa ni Gadapan, may posibilidad umanong ang abandonadong laboratory sa Parañaque City ay konektado sa tatlong laboratoryo na binuwag sa Ayala Alabang kamakailan.