MANILA, Philippines - Lalong tumibay ngayon ang patuloy na operasyon ng sindikato sa loob ng Land Transportation Office (LTO) na nagpapakalat ng pekeng plaka at rehistro makaraang madakip ang isa nilang empleyado sa isang entrapment operation, kamakalawa ng hapon sa Pasay City.
Nakilala ang nadakip na si Alexander Lumen, alyas Alex, 56, at residente ng Villa Carolina, Tunasan, Muntinlupa City.
Nakumpiska sa posesyon nito ang dalawang plaka ng LTO na kapwa may numerong NOL-181, isang LTO Official Receipt at Certification of Registration, dalawang LTO 2012 stickers at marked money na aabot sa P12,500.
Sa ulat ng Pasay City Police, nabatid na isang asset ang nakipagtransaksyon kay Lumen para makabili ng mga dokumento at plaka ng LTO na ikakabit sa isang karnap na Toyota Fortuner (NOL-181). Nanghingi naman ang suspek ng P25,000 para sa mga pekeng dokumento kung saan binayaran ito ng ahente ng inisyal na P15,000.
Nitong Hunyo 13, dakong alas-2:30 ng hapon, tumawag ang suspek at sinabing handa na ang mga dokumento at plaka. Dito isinagawa ang entrapment operation kung saan dinakip si Lumen sa loob mismo ng LTO Pasay Compound na nasa Domestic Road, Pasay City.
Matatandaan na pumutok ang kontrobersya maging sa mga social networking sites sa mga dobleng numero ng mga plaka ng sasakyan na kumakalat sa bansa.
Si Lumen ay nahaharap sa mga kasong Falsification of Public Documents, Anti-Graft and Corrupt Practices Act at paglabag sa Republic Act. 4136.