CEBU, Philippines - Muling inaresto ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) ang isang pedicab driver matapos na isangkot ito sa pagpatay sa isang paslit na babae na isinilid sa maleta may ilang taon na ang nakararaan.
Sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ni Manila RTC Judge Roy Gironella, dinakip ng pulisya si Rafael Nepa, 30, ng Purok 3, Isla Puting Bato, North Harbor, Tondo sa kasong rape with homicide.
Mariin namang itinanggi ni Nepa ang akusasyon laban sa kanya, dahil noong 2007, ay dinampot na rin ito saka dinala sa MPD-Crime Against Persons Investigation Unit, dahil sa nakuhang maleta sa kanyang pinapasadang sidecar.
Pinabulaanan ito ni Nepa, maging ng ilang sundalo sa may Isla Puting Bato sa Tondo na tumestigo na walang kasalanan ang sinasabing suspect, dahil nang kanila umano itong ma-checkpoint noong Agosto, 2007 ay nakuhanan umano ito ng maletang itim, gayong kulay berde ang maletang pinaglagyan sa biktimang si Geraldine Palma na noon ay nasa edad pa itong 7-taong gulang.
Pinalaya si Nepa, makaraang makulong ito ng halos isang linggo, matapos na igawad ang Released for Further Investigation ng Piskalya. Enero ng taong kasalukuyan, inilabas ang arrest warrant laban dito.
Matatandaan na natagpuang patay at nakasilid sa maleta ang biktimang si “Dindin” noong Agosto 2007 sa tabing dagat ng Isla Puting Bato Sa North Harbor, Maynila.