MANILA, Philippines - Magbibigay ang Light Rail Transit Authority (LRTA) Line 1 at Line 2 ng libreng sakay sa publiko sa mga piling oras ngayong Araw ng Kalayaan.
“In celebration of the 114th year anniversary of the Philippine Independence that carries the theme ‘Kalayaan: Pananagutan ng Bayan para sa Tuwid na Daan’, the Light Rail Transit Authority (LRTA) is offering the public free rides today, June 12, 2012 at LRT Lines 1 and 2,” ayon sa pahayag ng LRTA.
Sinabi ni Engr. Emerson Benitez, LRTA Officer-in-Charge, na libre ang sakay ng Line 1 at Line 2 mula sa pagitan ng alas-7 hanggang alas-9 ng umaga at alas-5 ng hapon hanggang alas-7 ng gabi.
Ito ay makaraang hilingin ng National Historical Commission na bigyan ng libreng sakay ang publiko upang maengganyo na magtungo at lumahok sa iba’t ibang selebrasyon at programa na inihanda ng pamahalaan sa Metro Manila.
Noong nakaraang taon, nagbigay rin ng libreng sakay ang LRTA kung saan nasa 121,000 pasahero ang kanilang nabigyan na karamihan ay nagtungo sa Rizal Park malapit sa UN station.
Samantala, magpapatupad naman ng traffic re-routing ang National Capital Region Police Office (NCRPO) katuwang ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa Roxas Boulevard upang bigyang daan ang selebrasyon sa Rizal Park.
Isasara mula alas-6 ng umaga ang kahabaan ng north at southbound ng Roxas Boulevard mula Katigbak hanggang TM Kalaw at southbound lane ng Ma. Orosa mula P. Burgos hanggang TM Kalaw.