MANILA, Philippines - Saksak at tama ng baril ang ikinamatay ng isang 27-anyos na lalaki matapos na pagtulungan patayin ng tatlong magkakaibigan sa isang videoke bar dahil lamang umano sa isang guest relation officer, sa Tondo, Maynila.
Idineklarang dead-on-arrival sa Mary Johnston Hospital ang biktimang si Sommy Caesar Baldueza, ng no. 405-B Rawis Condominium II, Rawis Tondo, Maynila habang pinaghahanap naman ang mga suspect na isang alyas “Renz Gutierrez” at isang di nakilalang lalaki.
Sa ulat ni SPO2 Milbert Balinggan, ang insidente ay naganap dakong alas- 3 ng madaling-araw sa loob ng Alba Videoke Bar, sa panulukan ng Ilaya at Padre Rada Sts., Tondo.
Pumasok umano ang mga suspect at isinama sa kanilang mesa ang GRO na si Pauline Dejito, 19, at nabastos umano ni Gutierrez.
Mabilis na nagsumbong ang nasabing GRO kay Baldueza at habang magkausap ang dalawa ay hinatak ito ng isa sa suspect kaya nagalit ang biktima sabay kuha sa bakal na silya at ipinalo sa isa sa suspect na nauwi sa rambulan sa pagitan ng tatlo.
Kasunod nito ang alingawngaw ng putok ng baril na hindi inakala ng biktima na armado ng baril ang mga suspect at patalim.
Nang suriin ang bangkay, nakita ang mga saksak sa katawan at balang puma sok sa kaliwang tagiliran na tagos sa kanang tagiliran.
Bago umano tumakas ang mga suspect sakay ng motorsiklo ay narinig pa ang mga kataga patungkol sa biktima na “sabi ko na sa iyo babalikan kita e”.
Nagsagawa umano ng follow-up operation sa Tuazon st., Tondo ang mga awtoridad subalit bigo silang madakip si Gutierrez at kasama nito.