2 salvage victim itinapon sa Maynila

MANILA, Philippines – Dalawang lalaki na hinihinalang kapwa biktima ng salvage ang itinapon ng mga hindi pa nakikilalang mga suspect sa Baseco Compound, Port Area, Maynila kahapon ng madaling-araw.

Ayon sa ulat, isa sa mga biktima ay na­kilala sa pamamagitan ng kanyang pasaporte na si Manap Sapak, 37, tubong Daguma, Bagumbayan, Sultan Kudarat habang ang isa naman ay inilarawan na nasa edad 40-45, may taas na 4’11’’, katamtaman ang panga­ngatawan, nakasuot ng kulay itim na t-shirt at gray na short pants.

Nabatid na nadiskubre ang bangkay ng mga biktima dakong alas-2:15 ng madaling-araw sa Block 9 Extension, Baseco Compound, Port Area, Maynila ni Angel David na residente sa lugar.

Hinihinalang pinatay sa ibang lugar ang mga biktima at itinapon na lamang sa na­sabing madilim na lugar.

Nagtamo umano ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang mga bik­tima kung saan nakakuha ng dalawang basyo ng M-14 rifle, basyo ng cal.45 at 3 basyo ng cal. 9mm sa lugar na pinagkakitaan sa katawan ng mga ito.

Show comments