MANILA, Philippines - Sa harapan ng Manila Police District-Station 6, inaresto ang isang nakatalagang pulis na itinuturong suspect sa pagnanakaw sa tinatayang P3-milyong halaga ng kagamitan at cash na kanilang pinasok at niransak sa Sta. Ana, Maynila.
Nakatakdang isailalim kahapon sa inquest proceedings ang suspect na si PO2 Robert Cruz, 36, ng #1283 Int. 38 Aurora Blvd., Sta. Cruz, Maynila at nakatalaga sa MPD-Station 6.
Kabilang din sa dinakip si Regente Osalla, 36, executive officer ng Barangay 776, Zone 85, District 5, ng #2437 Pasig Line St., Sta. Ana.
Sa ulat, naglatag ng follow-up operation ang MPD-Theft and Robbery Section, kasunod ng reklamong idinulog sa tanggapan ni P/Senior Insp. Roberto Mupaz, ang mag-asawang sina Carlo Mark, 36; at Shental Bagui, 34, ng #2288-B Paco Roman St., Sta. Ana, hinggil sa illegal na pagpasok ng dalawang pulis at isang sibilyan kung saan sila tinutukan ng baril.
Ang balikbayan na ina nilang si Patricia Velzy, 55, ay sinasabing tinutukan din ng baril at ikinulong kasama ang mga menor-de-edad na anak na may edad 2, 11, at 14, bago ni-ransack ang kanilang bahay.
Kamakalawa ng hapon ay isinagawa ang pagdakip kay Cruz sa presinto habang si Osalla ay dinampot sa Sagrada Familia St., sa Sta. Ana.
Narekober din ang pulang Mitsubishi (THD-998) na lumilitaw na ginamit ng mga suspect.
Hindi pa pinapangalanan ang isa pang pulis na isinasangkot sa krimen.