Manila, Philippines - Ibayong paghihigpit ngayon ang isinasagawa ng mga tauhan ng Southern Police District (SPD) sa paligid ng tahanan ni Ombudsman Conchita Carpio Morales sa Muntinlupa City makaraang matagpuan ang isang granada kamakalawa ng hapon.
Nagpakalat na ng mga tauhan ang Muntinlupa City Police sa bisinidad ng bahay ni Morales habang nagsasagawa na rin ng patrulya sa loob ng Camella Homes sa Susana Heights, Brgy. Putatan, Muntinlupa.
Sinabi ni SPD Director Chief Supt. Benito Estipona na masuwerte at may mga wide range closed circuit television (CCTV) camera na nakakabit sa bahay ni Morales na maaaring makatulong sa kanilang ginagawang imbestigasyon.
Kasalukuyan na nila ngayong sinusuri ang mga footages nito at maging ang maikling sulat na iniwan ng mga salarin.
Nabatid na dakong alas-3:30 kamakalawa ng hapon nang madiskubre ng security guard na si Ricky Apostol ang isang plastic bag na iniwan malapit sa bakod ng bahay ng Ombudsman. Nang kanyang damputin ito, dito nito nadiskubre ang isang granada at isang maikling liham na nakalagay ang katagang: “Pang-depensa kay CCM, nagmamalasakit.”
Naniniwala si Estipona na pananakot lamang ang pakay ng sinuman na nasa likod nito at wala talagang layunin na manakit dahil sa naka-safety pa rin ang pin ng granada.
Binalewala naman ni Morales ang pagkakatagpo ng granada sa bisinidad ng kanyang bahay at sinabing bahagi umano ito ng kanyang trabaho. Tuloy pa rin naman ang imbestigasyon ng kanyang tanggapan sa sinasabing mga tagong yaman ni impeached Chief Justice Renato Corona.