MANILA, Philippines - Hiniling kahapon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga lokal na pamahalaan na miyembro ng Metro Manila Council (MMC) na tutukan naman at paigtingin ang kampanya laban sa jaywalking na hindi na pinapansin ngayon ng publiko at lantarang nilalabag.
Sa pulong kahapon ng mga miyembro ng MMC, iginiit ni Chairman Francis Tolentino sa mga lider ng mga lokal na pamahalaan na tutukan ang implementasyon ng kanilang ordinansa laban sa jaywalking.
Partikular ito ngayong pasukan sa mga paaralan sa Hunyo upang maging ligtas sa aksidente ang mga mag-aaral.
Ayon sa MMDA, bagama’t may mga itinayo na silang mga footbridges bilang tawiran ng tao sa mga highways, wala pa rin itong silbi dahil sa mas pinipili ng mga walang disiplinang mamamayan na ipagsapalaran ang kanilang buhay at tumawid sa mapapanganib na kalsada tulad ng EDSA at Commonwealth Avenue kung saan napakarami nang naitatala na nasasawi.
Dahilan rin ang walang habas na jaywalking sa pagbubuhol ng trapiko sa mga lungsod sa Metro Manila na hindi naman masawata ng mga lokal na traffic enforcers.
Sa susunod na pulong ng MMC, sinabi ni Tolentino na ipapanukala niya na itaas ang multa laban sa jaywalking upang maturuan ng leksyon ang mga mamamayang ayaw sumunod sa batas. Masyado umanong mababa ngayon ang kasalukuyang parusa na hindi pinapansin ng publiko lalo na kung hindi ipinatutupad ng mga traffic enforcers.
Sa ilalim ng kasalukuyang MMDA Ordinance No. 1-1995 o Anti-Jaywalking Ordinance, pagmumultahin ang mga lumalabag ng P150 lamang o community service sa loob ng isang araw.