MANILA, Philippines - Patay ang isang 22-anyos na helper makaraang halos malitson ang katawan nito nang makuryente sa talop na kawad habang naglilinis ng kisame sa pinapasukang tindahan, kamakalawa ng hapon sa Pasay City.
Nakilala ang nasawi na si John Rey Cutamura, trabahador sa JSN Penthouse Store na nasa Villa Cartimar, ng naturang lungsod.
Sa ulat ng Pasay City Police, nadiskubre ang halos sunog na katawan ni Cutamura ng kasamahan sa trabaho dakong ala-1:30 kamakalawa ng hapon sa isang bahagi ng tindahan.
Nabatid na inutusan ni Edgardo Nuque, 58, may-ari ng tindahan, si Cutamura na linisin ang kisame sa ikalawang palapag.
Binitbit pa umano ni Cutamura ang aluminyong hagdanan upang maabot ang kisameng lilinisin subalit makaraan ang 30-minuto ay nakita na lamang ng mga kasamahan ang biktima na hindi na kumikilos at nakasabit ang kalahati ng katawan sa inakyat na kisame.