MANILA, Philippines - Utas ang tatlong bata na naligo at nagtampisaw sa ulan makaraang makuryente nang mahawakan nila ang isang tubo ng sampayan sa Mandaluyong City kamakalawa ng tanghali.
Kinilala ni Mandaluyong City Police Chief, Sr. Supt. Armando Bolalin, ang mga biktima na sina Mark Angelo Sastelo, 8; Luningning Rosas, 14; at Raul Leyva Jr., 9, na pawang residente ng Nanirahan St., Mandaluyong City.
Sa imbestigasyon, ang insidente ay naganap dakong alas-11:30 ng tanghali sa bakanteng lote na malapit lamang sa tahanan ng mga biktima.
Ayon sa report, naisipang maligo sa ulan ang tatlong bata at habang sila ay masayang nagtatampisaw sa tubig-baha nang mapahawak ang isa sa kanila sa isang tubo ng sampayan na may kuryente pala, na siyang dahilan upang ito ay mangisaw.
Sa pagnanais na iligtas ng dalawa ang kanilang kaibigan ay hinawakan nila ito, para sana hatakin pero sila man ay nakuryente.
Nagawa pang maisugod si Mark Angelo at Luningning sa Sta. Ana Hospital subalit idineklarang dead-on-arrival ni Dr. Corpuz habang si Leyva ay sa Mandaluyong City Medical Center nalagutan ng hininga.