Binatilyo kritikal sa paglalaro ng Russian Roulette

Manila, Philippines -  Nasa malubhang kalagayan ang isang 15-anyos matapos mabaril sa ulo ng kapwa nito binatilyo habang naglalaro ng Russian Roulette kamaka­lawa ng gabi sa Malabon City.

Kasalukuyan umanong coma sa Manila Central University ang biktimang si Eddie Lloyd Homo sanhi ng tinamong tama ng bala sa ulo.

Ayon kay Jose Mondares, 52, tanod, sa Brgy. Tonsuya na nakikipanood ng telebisyon si Homo sa bahay ng kanilang kapitbahay na si Alfredo Celo sa Phase 1, Gozon Complex, Brgy. Tonsuya kasama ang kanyang 16-anyos na ka­ibigan na kinilalang si John dakong alas-9 ng gabi nang kapwa nila makita ang isang .38 cal. rev. sa ilalim ng bench na kanilang inuupuan.

Pinaglaruan umano ng dalawang binatilyo ang baril sa pamamagitan ng Russian Roulette matapos nilang alisin ang bala. Unang kinalabit ni Homo ang baril sa lapag subalit hindi ito pumutok at iniabot ito sa kanyang kaibigan.

Itinutok naman ni John ang baril sa ulo ni Homo at saka pinaputok na tumama ang bala sa ulo ni Homo.

Tulala pa si John nang dakpin ng mga tauhan ng barangay, habang hindi naman nakita pa ang ginamit na baril.

Dinakip din si Celo na umamin naman na siyang nagmamay-ari sa hindi lisensi­yadong hand-gun.

Show comments