MANILA, Philippines - Isang lolo at isang caretaker ang kapwa nasawi makaraang pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang magnanakaw sa dalawang magkahiwalay na insidente ng panloloob sa lungsod ng Caloocan at Navotas, kamakalawa.
Unang nasawi si Danilo Chan, 62, nang pasukin ng mga hindi nakilalang salarin ang kanyang tinutuluyang bahay sa may Kabulusan II, Caloocan City dakong alas-5:45 kamakalawa ng hapon.
Ayon sa mga kapitbahay, nakarinig na lamang sila ng sunud-sunod na putok ng baril sa loob ng bahay ni Chan.
Nang kanilang puntahan, natagpuan ang duguang bangkay ng biktima na isinugod pa sa President Diosdado Macapagal Memorial Medical Center ngunit nalagutan rin ng hininga.
Dakong alas-10:45 naman kamakalawa ng gabi nang pagbabarilin si Alfred Acuña, 31, stay-in sa Merville Subdivision, Brgy. Tanza, Navotas. Ayon sa mga kaptibahay, nakarinig sila ng sunud-sunod na putok ng baril hanggang isang lalaki ang makitang nagmamadaling lumabas ng bahay.
Nang kanilang pasukin ang bahay, inabutan na nilang wala nang buhay sanhi ng tama ng bala sa ulo at katawan si Acuña.
Hinihinala ng Northern Police District (NPD) na kapwa nanlaban sa mga magnanakaw ang dalawang biktima kaya pinagbabaril ang mga ito.