MANILA, Philippines - Patuloy na nakaalerto ang “anti-riot teams” ng Pasay City Police upang kumontrol sa posibleng mga kilos-protesta na ilunsad ng ilang grupo sa dalawang araw na konsyerto ni Pop Diva Lady Gaga sa SM Mall of Asia Arena nitong Lunes at ngayong Martes.
Sinabi ni Pasay City Police chief, Sr. Supt. Melchor Reyes na nagtalaga na siya ng sapat na tauhan sa loob ng Mall Arena at sa bisinidad ng konsyerto upang matiyak ang seguridad ng singer, mga staff at production crew at ng mga fans.
Pinayuhan din ni Reyes ang mga motorista na iwasan na dumaan malapit sa venue ng konsyerto tulad ng Roxas Blvd. at Sen. Gil Puyat Avenue na inaasahang dadagsa sa konsyerto. Ito’y makaraan din naman na magpatupad ng alternatibong ruta ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) kasabay ng konsyerto.
Sinimulan na nitong Linggo ng gabi ang pagpapatrulya ng pulisya sa bisinidad ng concert venue upang matiyak na wala namang makakalusot na mananabotahe.
Dumating si Lady Gaga sa bansa nung Sabado ng gabi kung saan dinagsa agad ng mga fans ang pagdating nito. Napuno ng kontrobersya ang nakatakdang konsyerto dahil sa pagtutol ng ilang grupong konserbatibo tulad ng Biblemode Youth Philippines partikular sa awiting “Judas”.
Hanggang ngayong gabi ang sinasabing concert ng kontrobersiyal na singer.