Mister utas, misis sugatan sa pamamaril sa QC

MANILA, Philippines - Patay ang isang mister habang sugatan naman ang asawa nito ma­tapos paputukan ng tatlong mga arma­dong suspect sa lungsod Quezon kamakalawa.

Kinilala ni SPO3 Christopher Ronquillo, may-hawak ng kaso, ang nasa­wing biktima na si Eduardo Trasmano, 48, driver, ng Jonah St., Freedom Park 6, Brgy. Batasan Hills sa lungsod.

Ayon kay Ronquillo, si Eduardo ay nagtamo ng mga tama ng bala sa ka­tawan sanhi upang agad itong masawi. Habang sugatan din ang asawa nitong si Edna, 46, na nagtamo ng tama ng bala sa kaliwang kamay, tuhod at hita at ginagamot ngayon sa FEU Hospital.

Nabatid kay Edna na tatlong kalalakihan ang sangkot sa pamamaril na pawang armado ng kalibre 9mm at kalibre 45 baril.

Nangyari ang insidente sa harap ng isang sari-sari store sa kahabaan ng Jonah St. ganap na alas-8:30 ng gabi.

Nakatayo ang mag-asawa sa nasabing tindahan kasama ang kanilang anak na si Eddie Boy, 16, nang biglang sumulpot ang mga suspect at pinagbabaril si Eduardo, hanggang madamay na rin na tamaan ng bala si Edna.

Mabilis na tumakas ang mga salarin patungong Kaunlaran St. matapos ang pamamaril.

Patuloy naman ang pagsisiyasat ng awtoridad upang matukoy ang mga suspect at ang motibo ng pamamaril sa biktima.  

Show comments