MANILA, Philippines - Isang estudyante ang nasawi matapos magbigti, dahil sa hindi umano nito matanggap ang panenermon ng ilang kaanak dahil sa hindi niya pag-eenroll sa eskuwelahan ngayong taon, sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.
Naaagnas na ang katawan ni Le-an Michael Cruz, 20, residente ng Brgy. Project 6 sa lungsod, nang madiskubre ng kanyang ina na si Michelle Cruz.
Ayon kay SPO1 Greg Maramag, nadiskubre ang bangkay ng biktima sa loob ng kanilang library, ganap ng alas-8:30 ng gabi.
Lumilitaw sa imbestigasyon na tatlong araw na ang nakalipas bago nadiskubre ang katawan ng biktima.
Pinagalitan umano ito ng kanyang ina at kapatid, matapos na hindi magpa-enroll ngayong taon sa eskwelahan.
Sinasabing matapos ang nasabing sermon ay hindi na muling nakita ng mga kaanak si Michael.
Nadiskubre ang katawan ng biktima, nang umuwi ang kanyang nanay galing sa trabaho kung saan nalanghap nito ang di-kanais-nais na amoy na nanggagaling sa nasabing silid aklatan.
Unang inakalang ang amoy ay mula sa patay na daga, pero nang-buksan ang pinto ng silid, dito na tumambad ang nakasabit na katawan ng biktima, na nakatali ng isang nylon cord mula sa kahoy sa taas at nakapulupot sa kanyang leeg.
Ayon sa ina ng biktima, hindi umano gusto ng anak ang kursong computer science, dahil may gusto itong ibang kurso.
Huling nakitang buhay ng kanyang ina ang biktima noong Lunes, at hindi na niya ito nakita sa kanilang bahay kung saan tatlo lamang silang nakatira.