MANILA, Philippines - Patay ang isang 47-anyos na negosyante habang nasa malubhang kalagayan ang misis nito makaraang i-hostage at pagbabarilin sa loob ng kanilang tahanan, sa ikatlong palapag ng Heaven Sent building, sa Sampaloc, Maynila.
Kinilala ang nasawing biktima na si Dan Dumduma, negosyante at kabilang sa may share sa Dumduma Construction chain, habang sugatan naman ang misis nito na si Luzviminda, 46, kapwa residente ng M. dela Fuente st., Sampaloc, halos katapat lang ng Trabajo public market.
Arestado naman ang suspect at kasalukuyang nakapiit sa Manila Police District-Station 4, na kinilalang si ret. Philippine Army M/Sgt. Vergante Negocio, nang dakong alas-4:01 ng hapon ay dambahin ito ng mga tauhan ng Special Weapons and Tactics (SWAT) habang papatakas mula sa gusali.
Nagawa pa ng suspect na ibato sa labas ng gusali ang kaniyang handgun dakong alas-2:15 at dakong alas-3:35 nang ibato naman ang dalawang granada, na hindi naman sumabog bago naghamon na patayin na lang siya ng mga pulis na nakapaligid sa lugar.
Sa inisyal na ulat dakong ala-1:00 ng hapon kahapon nang maganap ang komosyon at makumpirma ng mga kapitbahay na nagsibaba sa fire exit ng bahay ang mga anak ng mag-asawang biktima, sa pangunguna ng 16-anyos na anak na si Daniel.
Batay sa impormasyon mula sa kapatid ni Dan na si Romy, ang suspect at ang kaniyang kapatid ay may isyu sa utangan ng pera. Bandang alas-4:16 nang pasabugin ng mga kagawad ng MPD-Explosive and Ordinance Division ang isa sa granada.
Ayon sa anak na si Daniel tumakas silang magkakapatid nang makarinig ng putok ng baril sa loob ng silid ng kanilang magulang kaya hindi niya nakita kung sino ang tinamaan.