MANILA, Philippines - Kulungan ang bagsak ng tatlong barangay tanod makaraang makuhanan ang mga ito ng iligal na baril habang rumiresponde sa isang krimen sa kanilang lugar sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.
Kinilala ang mga nadakip na sina Jerry Cervantes, 52; Alberto Olalia, 32, at Rafael Calderon, 42; pawang mga miyembro ng Barangay Police Security Office (BPSO) sa Brgy. Damayan sa lungsod.
Inaresto ang mga tanod matapos mapatunayang hindi lisensyado ang kanilang dalang mga baril. Bukod dito hindi rin anya maaaring magdala ng baril ang mga ito kapag rumesponde sa krimen.
“So instead of arresting those on the scene, they were the ones who got arrested by our policemen,” ayon sa pulisya.
Nangyari ang insidente ganap na alas-11 ng gabi makaraang makatanggap ang barangay ng tawag hinggil sa nangyayaring gulo sa lugar na agad namang nirespondehan ng tatlong barangay tanod.
Pero maging ang tropa ng QCPD-station 11 ay nakatanggap din ang nasabing tawag at rumisponde din sa lugar, kung saan naabutan ng mga ito ang mga nasabing tanod. Dito ay napuna ng mga pulis na may dalang baril ang tatlo, partikular ang kalibre .38 paltik at nang tanungin kung may papel ang mga ito ay wala silang ipinakita.