MANILA, Philippines - Tiniyak ng dalawang kongresista ng lungsod ng Maynila na suportado nila ang kandidatura ni Manila Mayor Alfredo S. Lim sa darating na 2013, kasabay ng paniniwalang ito ang magwawagi laban sa kanyang mga katunggali dahil isang `tunay na Manilenyo’ na kagaya ni Lim ang umano ay siyang higit na may kakayanan at sinserong malasakit sa mga residente ng lungsod.
Ang paniniyak ay ginawa nina Congressmen Atong Asilo (first district) at Carlo Lopez (second district) sa ginanap na pagbasbas ng bagong Honorio T. Lopez Bridge sa Balut, Tondo, kung saan sinabi din nila na ang mga taga-Tondo ay matatalino at alam umano nila ang pakinabang na dala sa kanila ng mga proyektong isinagawa na ni Lim at ginagawa pa sa kasalukuyan.
Ayon din kina Asilo at Lopez, Maynila lamang ang lungsod na may anim na pampublikong ospital –isa para sa bawat distrito - na nagbibigay ng libreng doktor, kwarto at gamot para sa mahihirap na may sakit at walang perang pantustos para sa pagpapagamot, bukod pa sa mahigit 60 health centers at lying-in clinics at 68 pampublikong elementary at high schools na pawang itinatag sa ilalim ng pamumuno ni Lim.
Sa ginawang pagpapasinaya ng naturang Honorio Lopez Bridge, sinabi ni Lim na bukod sa pamahalaang-lungsod, ang nasabing tulay ay nagawa dahil na rin sa tulong ng public works and highways department sa ilalim ni Sec. Rogelio Singson at nina Lopez at Asilo. Ang binuksang tulay ay pakikinabangan ng mga mula at patungong Caloocan at Navotas, lalo na ng mga taga-Tondo.
Samantala, ang 284 gusali na naitayo at naipagawa mula taong 2008 hanggang Marso 2012 ang magpapatunay na umuunlad ang lungsod.
Ayon kay Engr. Melvin Balagot, City Building official kalahati lamang ito kumpara noong taong 2005 hanggang 2007 sa panahon ni dating mayor Lito Atienza.
Sinabi ni Balagot na umaabot sa halos P60 bilyon ang halaga ng investment na pumasok sa city government sa pagpapatayo ng mga istraktura sa loob lamang ng apat na taon simula nang muling manungkulan si Lim. Nabatid na umabot lamang ng P7 bilyon ang investment noong termino ni Atienza.