Nanay nag-Mother's Day sa kulungan

MANILA, Philippines - Sa halip na sa pi­ling ng kanyang pamilya, sa kulungan nagdiwang ng ‘Mother’s Day’ ang isang ina matapos na arestuhin dahil sa umano’y panlo­loko ng mahigit sa P1 milyon sa lungsod Quezon, ayon sa pulisya kahapon.

Si Norma Mendoza, 54, may-asawa, negos­yante ng Cainta Rizal ay nagdiwang sa loob ng rehas na bakal bu­nga ng reklamo ng biktimang si Perla Dalas, 52, negos­yante sa no. 729 Quirino Avenue, Tambo Parañaque.

Sa imbestigasyon ni SPO1 Greg Maramag, Jr. ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD),  nag-ugat ang insidente nang bumili ang biktima ng ka­­lakal na tanso kay Mendoza sa halagang P1,417,000 nitong May 11 sa Toel Corporation na matatagpuan sa  E. Rodriguez, Brgy. Bagong Bayan sa lungsod ganap na alas-3 ng hapon.

Base sa testimon­ya ni Dalas, bago ang insi­dente, nag-ahente umano si Mendoza sa kanila ng scrap na tumitimbang ng 5,080 kilos matapos magkasundo na bibilhin ito sa nasa­bing halaga.

Unang inalok ng bik­tima si Mendoza ng tseke, pero tumanggi ang huli hanggang sa mapilitan siyang magwithdraw ng cash sa bangko.

Ang pera ay ipina­abot ni Dalas sa kanyang driver na si Cesar Mallorca para kay Mendoza kung saan kasama ng huli ang kanyang anak na si  Romel na nagsilbing driver at isa pang alyas Merly.

Nang makuha ang pera ay agad na suma­kay ang mga suspect sa kanilang sasakyan kung saan planado umano ang panloloko.

Tumagal ng halos 30 minutos ang paghihintay ng mga biktima hanggang sa lumabas sa kotse si Merly at nagkunwaring pumasok sa Toel Corporation para bayaran ang kalakal subalit tumakas na pala ito.

Dahil dito, pilit na kinontak ng mga biktima ang mag-ina sa kanilang cell phone para pa­balikin. Nang bumalik ang mag-ina, tinanong ni Dalas si Mendoza kung nasaan ang pera subalit sinagot lamang ng huli na nasa kasama niyang si Merly.

Sa puntong ito, nagpasya ang una na dalhin sila sa Eastwood Police Station para imbestigahan. 

Habang nasa East wood Police Station, na­gawang makatakas ni Romel at naiwan nito ang kanyang nanay na siyang dahilan para ito ang natirang maaresto at masampahan ng kaso.

Sinabi ni Maramag, ang naturang salapi ay nadala umano ng alyas Merly na ngayon ay tugis na ng kanilang tanggapan.

Kasong paglabag sa article 315 (estafa and other deceit) ang kinakaharap ngayon ni Mendoza.

Show comments