Pagpatay sa abogado ng HLURB may 2 motibo - QCPD

MANILA, Philippines - Personal na galit o may kaugnayan sa kanyang trabaho ang tinitignang anggulo ng Quezon City Police District (QCPD) sa pamamaril at pagpatay sa abogado ng Housing and Land Use Regulatory Board (HLURB) sa lungsod kamakalawa.

Ayon kay Chief Insp. Rodel Marcelo, hepe ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU), tinitignan nila ang anggulong may taong nasaktan sa kanyang trabaho bilang arbiter sa HLURB ang biktimang si Atty. Leonardo Jacinto A. Soriano kung kaya ito pinaslang.

“Hindi pa kasi namin nakakausap ang pamilya ng abogado (biktima) kaya medyo malabo pa ang anggulo, dahil sabi ng pamilya eh wala naman daw silang alam na kagalit ito,” sabi pa ni Marcelo.

Dagdag ng opisyal, kahit sinasabi ng pamilya ng biktima na wala itong kagalit, kasama rin ito sa anggulong kanilang iimbestigahan para malaman ang pinag-ugatan ng nasabing pamamaril.

Maaari rin anyang planado ang pagpatay dahil pinag-aralan nito ang galaw ng nasabing biktima.

Samantala, ihihahanda na ng QCPD ang artist sketch ng mga suspect na bumaril sa nasabing abogado, base sa pagsasalarawan ng pangunahing testigo nito.

Si Soriano 42, arbiter ng Legal Division ng National Housing Authority on Housing and Land Use Regulatory Board (HLURB) ay pinagbabaril ng riding in tandem suspect habang sakay ng kanyang Toyota Altis na kulay itim (NZI-750) habang papalabas ng HLURB compound sa kalayaan at Mayaman St. Brgy. Teachers Village, pasado alas 5 kamakalawa ng hapon.

Show comments