MANILA, Philippines - Humingi na ng Temporary Protection Order (TPO) ang mag- asawang Raymart Santiago at Claudine Barreto sa Quezon City court laban sa banta ng magkakapatid na Tulfo na ini-ere sa kanilang programa sa TV5.
Kahapon, personal na naghain ng petition for writ of amparo ang mag-asawa laban sa T3 hosts na sina Raffy, Ben at Erwin Tulfo para sa naturang kautusan.
Sa 17 pahinang civil complaint ng mag-asawa, hiniling ng mga ito na hindi sila maaaring lapitan ng Tulfo brothers 500 metro ang layo. Kasama na ang hiningi ng mag-asawa na magkaroon ng police escort buhat sa Police Security Protection Office.
Samantala, hindi pa nagdesisyon ang Quezon City Regional Trial Court kung saang sangay mapupunta ang kaso.
Matatandaang matapos ang insidente ng bugbugan sa airport ay nagbanta ang magkakapatid na Tulfo sa kanila kaya napilitan silang magharap ng kasong grave threat at slander laban sa mga ito.
Kamakailan ay nagbigay ng public apology ang magkakapatid na Tulfo at sinuspinde sila ng management ng TV5. Dagdag pa dito marami ang nagkomento sa ginawang pananakot ng mga ito kaya pinatawan naman ang kanilang programa ng 20- araw na suspensyon ng Movie and Television Ratings and Classification Board (MTRCB).
Samantala, nagpasaklolo ang TV5 network sa CA matapos na suspindihin ng 20-araw ng MTRCB ang programa ng Tulfo brothers.
Naghain ang pamunuan ng TV5 sa pamamagitan ng kanilang abogado na si Atty. Christine Ona ng petition for certiorari and prohibition sa korte.
Umalma ang TV5 sa ibinabang desisyon ng MTRCB dahil wala umanong karapatan ang MTRCB na magreview at magsuspinde ng news and public affairs program.
Igniit pa ng TV5 na ito ay lantarang pagsikil sa karapatan sa malayang pamamahayag.