MANILA, Philippines - Muli na namang umatake ang kilabot na ‘Dugo-dugo gang’ matapos na mabiktima ang isang pamilya at matangayan ng aabot sa P579,000 na halaga ng alahas at mahahalagang gamit sa lungsod Quezon, kamakalawa.
Kinilala ang mga biktima na sina Ma. Victoria Pio De Roda Morales, at anak na si Via Ronizze Morales, 18, ng Project 3, sa lungsod.
Natukoy naman ang isa sa mga suspek sa alyas na Henry na tinutugis na ng awtoridad.
Nag-ugat ang insidente nang isang lalaki na nagpakilalang empleyado ng Quezon City Hall ang tumawag sa bahay ng mga biktima ganap na alas-4 ng hapon.
Si Ronizze ang nakausap ng suspect at sinabi rito na naaksidente ang kanyang ina at nag-aagaw-buhay kaya nangangailangan ng malaking halaga para sa pag-papagamot.
Doon ay inutusan ng suspect si Ronizze na kunin ang mga alahas at mahahalagang gamit at dalhin sa Muñoz, Quezon City.
Dahil sa matinding pag-aalala ni Ronizze sa kanyang ina, dali-dali nitong kinuha ang mga nasabing bagay saka sumakay ng isang taxi at inihatid sa nasabing lugar. Mula dito, ay tinawagan ni Ronizze ang suspect saka inutusan siya na tumawid ng kalsada at pumunta sa tapat ng isang banko.
Makaraan ang ilang saglit, nilapitan siya ng isang lalaki na nagpakilala bilang Henry at umakyat sila sa Muñoz foot-bridge, saka kinuha ng huli ang mga nasabing gamit. Matapos makuha ay sinabihan si Ronizze ng suspect na hintayin ang kanyang ina sa loob ng isang fastfood hanggang alas-5:15 ng hapon.
Sa pag-hihintay ni Ronizze sa kanyang ina, doon na siya nakaramdam ng pagdududa sanhi upang tumawag sa kanilang bahay at doon nalaman ni Ronizze na nasa bahay na ang kanyang ina at hindi nasangkot sa kahit anong aksidente.
Patuloy ang imbestigasyon ng awtoridad sa nasabing insidente. (Ricky T. Tulipat with trainee Keneth Punzalan)