MANILA, Philippines - Patay ang isang abogado ng Housing and Land Use Regulatory Board (HLURB) nang tinambangan ng riding-in-tandem suspect sa lungsod Quezon kahapon ng hapon.
Kinilala ang biktima na si Atty. Leonardo Jacinto A. Soriano dahil sa umano’y tama ng bala sa katawan.
Sa inisyal na ulat ng pulisya, ang abogado ay tinambangan habang sakay ng kanyang Toyota Altis na kulay itim (NZI-750) at papalabas ng compound ng HLURB na matatagpuan sa kalayaan at Mayaman St. Brgy. Teachers’ Village, pasado alas-5 ng hapon.
Base sa mga saksi, bago ang insidente, isa sa mga suspect ang nakitang nag-aabang sa paglabas ng biktima, habang naghihintay naman sa kanyang motorsiklo ang kasama nito.
Paglabas ng compound ay biglang lumapit ang naghihintay na suspect at pinagbabaril ang biktima na nakaupo sa driver’s seat. Sa kasalukuyan, patuloy ang imbestigasyon ng Quezon City Police sa nasabing insidente.