MANILA, Philippines - Isang 31-anyos na bagong laya ang hindi nakaligtas sa kamatayan makaraang pagbabarilin ng riding-in-tandem, kamakalawa ng hapon sa Marikina City.
Nagtamo ng tama ng bala sa ulo at kili-kili ang biktimang nakilalang si Juan de Guzman, ng Santan St., Brgy. Fortune, ng naturang lungsod habang sugatan naman ang jeepney driver na si Melchor Magasalas, 50, makaraang madamay at tamaan ng ligaw na bala.
Sa ulat ng Marikina City Police, nabatid na kalalaya pa lamang ng biktima buhat sa pagkakakulong sa Marikina detention cell makaraang maghain ng P100,000 bail bond. Nabatid na nadakip si De Guzman dahil sa illegal possession of firearms and ammunitions ilang linggo na ang nakalilipas.
Kasasakay pa lamang ng biktima sa jeep na minamaneho ni Magasalas dakong alas-3:15 ng hapon sa may Gil Fernando Avenue, Brgy. Sta. Elena sa likod ng Marikina City Police nang biglang sumulpot ang mga suspek lulan ng isang motorsiklo at pinagbabaril ang biktima.
Agad na isinugod ang mga biktima sa Amang Rodriguez Memorial Medical Center (ARMMC) ngunit tuluyang nalagutan ng hininga si De Guzman habang agad namang nilapatan ng lunas si Magasalas na tinamaan ng bala sa balikat.
Samantala, patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya hinggil sa insidenteng ito at sa pagkakakilanlan sa suspek upang mabatid ang motibo sa pamamaslang.