'Di nabigyan ng pera, nagbaril sa sarili

MANILA, Philippines - Matapos na hindi mabigyan ng pera ng kanyang ina, winakasan naman ng isang 33-anyos na lalaki ang kanyang buhay sa pamamagitan ng pagbaril sa sarili sa Malate, Maynila, kamakalawa ng gabi.

Dead-on-arrival sa St. Claire Hospital ang biktimang si Vincent Capulong, ng #120 Verse of Paradise St., Caloocan  City.

Sa ulat ni SPO1 John Charles Duran, ng  Manila Police District-Homicide Section, bumisita ang biktima  sa bahay ng ina na si Consuelo at idinaing ang problema niya sa pera.

Sinabihan siya ng ina na kapos din ito sa pera at walang maibibigay sa kanya. Agad na pumasok umano ng kuwarto ang biktima at kasunod ay ang putok ng baril. Nakita na lamang na nakahandusay ang biktima na may tama ng  bala ng baril sa dibdib.

Tumanggi na ang ina na magpaimbestiga at magbigay pa ng impormasyon hinggil sa pagpapakamatay ng biktima.

Show comments