MANILA, Philippines - Kalunus-lunos na kamatayan ang sinapit ng apat-katao kabilang ang dalawang bata makaraang sumabog ang tangke ng liquefied petroleum gas (LPG), kamakalawa ng hapon sa Taguig City.
Halos hindi na makilala ang mga biktimang sina Marcos Venito, 45; Michael Hortilano, 22; at ang mag-utol na Maria Leila Janine Denna, 4; at Jay Red Denna, 2, pawang mga naninirahan sa #34 Macapagal St., Pinagsama Village sa nasabing lungsod.
Samantala, nagtamo naman ng 2nd degree burn sa katawan at naisugod sa St. Luke’s Medical Center si Lolo Tirso Hortilano, 72.
Batay sa imbestigasyon ni FO1 Pedrito Polo, dakong alas-5:35 ng hapon nang maganap ang sunog sa bahay ng magkapatid na Denna.
Sa pahayag ni Melanie Denna, ina ng mga bata, nagpabili siya ng LPG sa pamangking si Hortilano ngunit hindi nito maikabit ng maayos kaya humingi siya ng tulong sa kapitbahay na si Venito.
Habang ikinakabit ang hose sa tangke ng LPG, nagparingas naman ng uling si Melanie upang gamitin sa pagpapakulo sa mga bote ng gatas ng kanyang mga anak.
Dito biglang sumiklab ang tangke LPG nang masagap ang apoy sa uling ni Melanie kung saan mabilis na kumalat ang apoy sa pagsabog ng tangke at agad na lamunin ang buong kabahayan.
Narekober ang bangkay ng dalawang batang Denna sa kuwarto habang nakuha naman ang bangkay ni Venito sa kusina at ang bangkay ni Hortilano sa banyo ng bahay.
Sa imbestigasyon, nabatid na may singaw ang tangke ng LPG na nabili ni Hortilano kaya sumabog at lumikha ng sunog.