Bagong laya todas kay kosa

MANILA, Philippines - Binurdahan ng saksak ng icepick ang katawan ng isang 21-anyos na  miyembro ng Sigue-Sigue Sputnik Gang ng kanyang kakosa, habang nagdiriwang ng kanilang paglaya mula sa Manila City Jail, sa Tondo, Maynila, kahapon ng madaling-araw. Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang biktimang si Russel Rosima  Atinen,  ng Building 25, Temporary Housing,  Road  10 Vitas, Tondo habang nakatakas naman ang suspect na kinilalang si Johnny  Magpili, 21, ng nasabing lugar. Sa ulat ni SPO2 Milbert Balinggan, dakong alas-4:25 ng madaling-araw nang maganap ang pana­naksak sa harap ng Building 31, sa Temporary Housing sakop ng Brgy. 105 Zone 9,  Road 10 Vitas, Tondo. Nabatid na ipinagdiriwang ng biktima at suspect kasama ang iba pang kaibigan ang paglaya ng una na may kasong robbery. Hindi inaasahang magkapikunan umano ang dalawa sa harap ng mga kabarkada hanggang humantong sa mainitang pagtatalo at nagbunot umano ng icepick si Atinen at sinugod si Magpili. Sa sobrang kalasingan ni Atinen ay nabitawan ang icepick na naagaw naman ni Magpili at itinarak sa iba’t ibang bahagi ng katawan ng biktima.

Show comments