MANILA, Philippines - Hindi nag-deteriorate o lumala ang lungsod ng Maynila at sa halip ay umunlad at gumanda pa ito sa panunungkulan ni Manila Mayor Alfredo Lim.
Ito naman ang binigyan-diin ni City Administrator Jesus Mari Marzan bilang tugon sa pahayag ni dating pangulong Joseph Estrada na lumalala ang lungsod.
Ayon kay Marzan, patunay ng pag-unlad ng lungsod ay ang mga naipatayong elementary at high school, ospital, health center, playground at maaayos na kalsada.
Hindi rin umano matatawaran ang mga negosyong pumapasok sa Maynila, kung saan ang mga negosyante ay mas pinipiling sa lungsod mamuhunan.
Paliwanag ni Marzan, hindi naman maaaring ihalintulad ang Maynila sa ibang lungsod tulad ng Makati dahil ito ay business district.
Giit pa ni Marzan, public service ang sentro ng panunungkulan ni Lim at hindi naghahangad ng anumang kapalit mula sa mga residente.
Sa panunungkulan ng alkalde, iba’t ibang proyekto ang naitatag kabilang na ang mga libreng pagpapaaral, pagpapaospital, job fair at maging ang “from womb to tomb” program kung saan mula sa panganganak at pagpapalibing ay libre sa Maynila.
Bukod pa rito ang pagsasaayos ng mga swimming pool at park na mapapasyalan, hindi lamang ng mga Manilenyo kundi ng lahat ng tao. Libre ring nakakapanood ng sine ang mga senior citizen.
Dagdag pa ni Marzan, mismong ang pagbabago ng Baseco ang isang patunay na papaunlad ang Maynila at hindi papalubog lalo pa’t pinipili ng mga turista ang pagdayo at pamamasyal dito.
Samantala, salitang “good luck” lamang ang binitiwan ni Lim para kay Estrada kaugnay ng balak nitong pagtakbo bilang alkalde sa Maynila.