MANILA, Philippines - Pinalaya na ng Parañaque City Police ang 16 sa 30 residente ng Silverio Compound sa naturang lungsod na inaresto dahil sa panlalaban sa mga pulis sa naganap na madugong demolisyon ng kanilang talipapa kamakailan.
Sinabi ni Parañaque Police-Investigation head, Chief Insp. Enrique Sy, nakalaya ang 16 sa mga dinakip makaraang idismiss ng piskalya ang mga kasong isinampa laban sa kanila. Apat sa naturang bilang ay pawang mga menor-de-edad.
Sa 14 na nananatiling nakadetine sa Parañaque detention cell, 11 sa mga ito ay hindi pinakawalan dahil sa kasong “illegal possession of explosives”, dalawa ang may kasong “illegal possession of deadly weapons” habang isa naman ay natuklasang may kasong paglabag sa “anti-bouncing check law” sa Makati City Regional Trial Court.
Naniniwala naman ang mga taga-Silverio Compound na bayani sa kanilang hanay ang nasawing si Arnel Leonor.
Hiniling naman ng mga kaanak ni Leonor na muling isailalim sa awtopsiya ang bangkay nito makaraang hindi paniwalaan ang sinasabi ng National Bureau of Investigation (NBI) na bala ng isang handgun ang kumitil sa buhay nito at hindi buhat sa isang mataas na kalibre ng baril na dala ng mga miyembro ng Parañaque Special Weapons and Tactics unit.
Sinabi ni Juanito, ama ng nasawi, na walang kaaway ang kanyang anak sa kanilang lugar kaya hindi sila naniniwala na pinatay ito ng kasamahan. May mga testigo umano sila na makapagpapatunay na kaharap ng biktima ang mga pulis-SWAT bago ito bumagsak sa kalsada dahil sa tama ng bala sa ulo.