MANILA, Philippines - Inaalam pa ng mga awtoridad ang motibo, gayundin ang pagkakakilanlan ng suspect na bumaril at pumatay sa isang lalaki na sakay ng motorsiklo kamakalawa ng gabi sa Malabon City.
Tama sa dibdib ang ikinamatay ni Danilo Santos, 30, ng #69 Judge A. Roldan St., Brgy. San Roque, Navotas City.
Batay sa imbestigasyon ng Station Investigation Division (SID), Malabon City Police, naganap ang insidente dakong alas-9:00 ng gabi sa Pampano St., Dagat-Dagatan, Brgy. Longos ng nasabing siyudad.
Lulan ang biktima ng kanyang motorsiklo (PI-5183) at binabagtas ang nasabing lugar nang pagbabarilin ito ng suspect.
Matapos ang insidente, mabilis na tumakas ang suspect habang nakuha ng mga pulis sa tabi ng bangkay ng biktima ang isang .45 kalibre na baril.