MANILA, Philippines - Tahasang sinabi ni Manila Mayor Alfredo S. Lim na matatapos na ang pagtitiis ng mga residente ng Baseco Compound sa Tondo, Maynila dahil sa planong pagbabagong anyo ng lugar at mga kabahayan.
Ayon kay Lim, plano ng administrasyong Aquino ang pagpapatayo ng two-storey concrete homes para sa mga residente ng Baseco upang maging maayos ang pamumuhay ng mga ito.
Ang pahayag ni Lim ay kasabay ng inagurasyon ng bagong aspaltong kalsada kasama sina chief of staff at media bureau chief Ric de Guzman, city councilors Josie Siscar, Lou Veloso at Joey Uy at barangay chairman Kristo Hispano.
Layon ng pag-aspalto ng mga daan sa Baseco na maging maayos ang daanan ng mga sasakyan.
Nabatid kay Lim na nakipag-usap na rin siya sa mga kinatawan ng National Housing Authority upang agad na maisagawa ang proyekto kung saan ang bawat bahay ay may sariling kasilyas upang mapanatili ang kalinisan ng Baseco. Hindi na itatapon kung saan-saan ang kanilang mga basura at mga dumi.
“Kayong mga taga- Baseco ang pinakamaswerteng tao sa administrasyon ni Pangulong Noynoy Aquino. Sa kautusan niya na pagandahin pa lalo ang Baseco, ipinadala niya ang Department of Interior and Local Government (DILG) at NHA officials para pag-aaralan ang gagawing pagbabago at ang pagpapatayo ng dalawang gradong bahay at ang pagpapalawak ng kalsada para magkaroon kayong mga taga-Baseco ng sariling Baywalk na papasyalan,” ani Lim.
Sa ngayon, itinatayo naman ang Senator Ninoy Aquino High School, kalapit lamang ng Corazon Aquino High School para sa libreng pag-aaral.
Maging ang simbahan ay itatayo sa 1,000 square-meter na lupa. Ikinatuwa naman ito ni Bishop Roderick Pabillo.
Una nang ipinatayo ni Lim sa Baseco ang playground, health center at lying-in clinic.