MANILA, Philippines - Patuloy umano ang paghahasik ng takot ng pulis na si PO1 Fulgencio Sideco, nakatalaga sa RHSG-NCRPO sa Bicutan, Taguig City at naninirahan sa #309 Simon St., Tondo, Manila matapos na makita itong pagala-gala sa lugar habang armado ng matataas na kalibre ng baril.
Ayon sa kaanak ni Danilo Serrano, 63, napatay ni Sideco, patuloy ang pamamayagpag ni Sideco sa lugar bukod pa sa pagpapadala sa kanila nito ng mga death threats sa cellphone.
Tila hindi naman alintana ng mga pulis na nakasasakop sa lugar ang pananatili ni Sideco kung saan nakita pa ito ng ilang residente na nagsasara ng computer shop.
Nangangamba rin ang pamilya ng biktima na makalabas pa ng bansa si Sideco lalo pa’t may mga kamag-anak ito sa abroad.
Kahapon ay muling dumulog ang mga naulila ni Serrano kay Secretary to the Mayor Rafaelito Garayblas upang makakuha ng hold departure order sa Department of Justice at sa Bureau of Immigration.
Ang biktimang si Serrano ay pinatay ni Sideco habang naghahanda sa gagawing pabasa sa kanilang lugar.
Naglaan naman ang pamilya ni Serrano ng pabuya na P200,000 para sa ikadarakip ni Sideco.
Si Sideco, kasama si PO3 Rommel Fortuno, dating nakatalaga sa Caloocan City Police at residente ng #783 Int. 62 Raxabago St., Tondo, Manila ay may shoot-to-kill order na inilabas ni Manila Mayor Alfredo Lim.