MANILA, Philippines - Kinumpirma ngayon na maging ang mga residente ng Silverio Compound na nanlaban sa pulisya ay nagpaputok din ng baril makaraang magpositibo sa paraffin test ang isa sa 30-katao na inaresto.
Bukod sa mga naunang kasong disturbance of public order, resistance and disobedience on a person in authority, alarm and scandal,” inihahanda rin ng pulisya ang pagsasampa ng kasong indiscriminate firing laban kay Dick Etrata y Primo, na sinasabing nagpositibo sa gun powder nitrate.
“Maaaring kabilang si Etrata sa mga residente na nagpaputok ng baril laban sa mga pulis at maaaring nakatama rin sa mga kapwa nila nagpoprotesta sa kasagsagan ng karahasan sa demolisyon sa Silverio Compound kung saan nasawi si Arnel Leonor Tolentino,” pahayag ni Parañaque Police-Investigation head, P/Chief Insp. Enrique Sy.
Nadiskubre naman sa isinagawang awtopsiya sa bangkay ni Tolentino na isang bala mula sa handgun ang tumama at hindi sa long firearms na gamit ng mga tauhan ng Parañaque Special Weapons and Tactics unit.
Sa 30-residente na sinampahan na ng patung-patong na kaso at naaresto noong Lunes, wala pa sa mga ito ang naghahain ng piyansa para sa pansamantalang kalayaan at patuloy na nakakulong sa Parañaque detention cell.